August 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kokonekta ang PLDT sa ikalawang sunod na ratsada, habang paparada ang guest team Kobe Shinwa University sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Haharapin ng High Speed Hitters, ang PVL on Tour champion, ang sister team Cignal HD Spikers ngayong alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa ala-1:30 ng hapon sasalang ang Kobe Shinwa katapat ang ZUS Coffee Thunderbelles, habang maghaharap sa alas-6:30 ng gabi ang Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers.
Hinataw ng PLDT ang Chery Tiggo, 25-16, 25-14, 25-20, sa pagbubukas ng Invitationals noong Huwebes.
Sa kabuuan ay target ng High Speed Hitters ang ika-10 dikit na arangkada simula sa PVL on Tour laban sa HD Spikes na nakalasap ng 25-22, 17-25, 25-22, 11-25, 8-15 pagkatalo sa Cool Smashers.
Inaasahang maglalaro sa Cignal sina Alas Pilipinas members Vanie Gandler at Dawn Macandili.
Kagaya ng PLDT ay puntirya rin ng Creamline ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa Chery Tiggo.
Muling tinalo ng Cool Smashers ang HD Spikers, habang yumukod ang Crossovers sa High Speed Hitters sa kani-kanilang rematch.
Samantala, maghahanap ng bagong coach ang Galeries Tower matapos bitawan si Lerma Giron.
