August 21, 2025 | 12:00am
Round 2 sa PVL Invitational
MANILA, Philippines — Muling magduduwelo ang PLDT at Chery Tiggo matapos ang kanilang bakbakan sa katatapos lamang na 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour noong Linggo.
Maglalaban ang High Speed Hitters at Crossovers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang upakan ng Creamline Cool Smashers at Cignal HD Spikers sa alas-4 ng hapon sa Invitational Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pinadapa ng PLDT ang Chery Tiggo, 25-17, 25-17, 19-25, 24-26, 15-8, sa finals ng PVL on Tour para sa kanilang kauna-unahang PVL crown.
“This is a new conference with new teams, so we’re going to go back to training, work hard, and bring the same confidence we had from the On Tour,” ani High Speed Hitters star Kim Kianna Dy. “It’s a fresh start, and we’re focused on showing up strong.”
Makakatuwang ni Dy sina Fil-Canadian Savi Davison, PVL on Tour Finals MVP Mika Reyes, Majoy Baron, Jovy Prado at setter Kim Fajardo katapat sina Ara Galang, Cess Robles, Imee Hernandez, Aby Maraño, Jasmine Nabor at Alina Bicar ng Crossovers.
Target ng PLDT ang kanilang back-to-back championship.
“Our team core is still evolving, so we need to work even harder to find out what else we can bring after the PVL on Tour,” sabi ni Maraño sa Chery Tiggo.
Sa unang laro, sisimulan ng Creamline ang pagdedepensa sa kanilang Invitational Conference crown sa pagharap sa Cignal.
Tinalo ng Cool Smashers ang HD Spikers, 25-17, 29-27, 25-17, para angkinin ang bronze medal ng PVL on Tour.
Ito ang ika-18 sunod na podium finish ng tropa ni coach Sherwin Meneses.
“Sobrang iba ito – we’re used to being in the Finals, but we’re still happy because we finished the campaign on the podium,” sabi ni Meneses. “Now, we’ll focus on bouncing back in the Invitational.”
Sa Sabado naman maghaharap ang mga guest teams na Kurashiki Ablaze at Kobe Shinwa University ng Japan sa ala-1:30 ng hapon bilang bahagi ng isang triple-bill sa Pasig City venue.
Ang torneo ay single round-robin elimination kung saan ang top two teams ang mag-aagawan sa korona sa Agosto 31.
