MANILA, Philippines — Magtutulungan ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Aquatics, Inc. (PAI) para maisulong ang programa sa grassroots hanggang sa inaasam na Olympic spot sa 2028 Los Angeles Games.
Ito ang sinabi kahapon nina PSC Commissioner Fritz Gaston at PAI Executive Director Anthony Reyes sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa PSC Conference Room sa Rizal Memorial Sports Center (RMSC).
“Nauunawaan nila na ang budget ng PSC ay hindi ganun kalaki para masuportahan ang halos 80 sports association kaya napili nila at napagkasunduan namin ‘yung mga dapat unahin sa PAI program,” ani Gaston, ang Commissioner-in-Charge sa aquatics.
Ilan sa mga programa ng PAI ngayong taon ay ang pagpapataas ng kalidad ng coaching, pagtukoy sa mga deserving athletes at makabuo ng kompetitibong koponan para sa malalaking torneo kabilang na ang Southeast Asian Games, Asian Games, World Cup at Olympic qualifying tournaments.
Idinagdag ni Gaston na handa ang PSC para suportahan ang international training program ng mga elite swimmers tulad nina 2023 Southeast Asian Games record holder Xiandi Chua, Chloe Isleta at Miranda Reiner sa Australia at Olympic medalist Fil-Canadian Kyla Sanchez.
“Right now may 20 tayong swimmers sa national training pool. Ginagawan namin sila ng mga programa para sa kanilang training especially sa ating mga batang swimmers para maihanda sila sa SEA Games, Asian Games and hopefully mag-qualify sa Olympics,” wika ni Reyes sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Hangad nina PAI president Miko Vargas at Secretary General at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain na makalahok ang mga Pinoy swimmers sa 2028 LA Olympics sa pamamagitan ng qualifying time standard.
“Hindi na tayo makikiamot ng slots (Universality) na parang pampalubag-loob. Lalahok tayo sa Olympics, hopefully sa Los Angeles sa 2028 dahil nag-qualify ang ating mga swimmers sa qualifying meet,” dagdag ni Reyes.
Hindi lamang swimming ang itataas ng PAI pati ang lahat ng sports ng aquatics tulad ng open swimming, diving, water polo at synchronized swimming.
“Mayrooon tayong active 17 regional directors na nagsasagawa ng mga tournaments sa kani-kanilang probinsiya. Lahat ng mga talent sa probinsya makikita natin sila sa ating National Championships at maging sa national tryouts na itinakda ng PAI this year,” sabi ni Reyes.
