PVL AFC crown pag-aagawan ng Creamline, Petro Gazz


Winner-take-all’ game 3

MANILA, Philippines —  Sa huling pagkakataon ay magtutuos ang nagde­depensang Creamline at ka­ribal na Petro Gazz.

Ang makumpleto ang ‘five-peat’ para sa ika-11 ko­rona ang hangad ng Cool Smashers, habang ang pangatlong titulo ang pun­tirya ng Gazz Angels.

Ngayong alas-7 ng gabi ang ‘winner-take-all’ Game Three ng Creamline at Petro Gazz para sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference gold medal sa PhilSports Arena sa Pa­­sig City.

Matapos umeskapo ang Gazz Angels sa Game One, 25-17, 25-20, 18-25, 20-25, 15-10, ay rumesbak naman ang Cool Sma­shers sa Game Two, 25-15, 16-25, 25-21, 15-25, 15-9, para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series.

Wala nang urungan. Bawal ang mahina ang puso.

“Last game na, io-all out na namin, bigay na na­min lahat ng lakas na kaya naming ibigay kasi alam mo, ito ‘yung parang mabigat na championship (series) na naranasan namin,” ani Creamline star hitter Jema Galanza.

Muling makakatuwang ni Galanza sina Bernadeth Pons, Michele Gumabao, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Pangs Panaga, Bea De Leon at Kyle Negrito.

Sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips ang isasagupa ng Petro Gazz katulong sina Myla Pablo, Jonah Sabete, Aiza Maizo-Pontillas at Chie Sa­et.

Inaasahang isasagad na ng Cool Smashers at Gazz Angels ang lahat ng kanilang lakas sa pagtatapos ng six-month confe­rence.

“Masaya kami kasi ma­lakas pa kami. Masaya ka­mi kasi nakaabot kami sa dulo. Hopefully, isagad na namin ‘yung pagod na­min. Manalo, matalo, basta igi-give namin ‘yung best namin,” ani Creamline coach Sherwin Meneses kontra sa Petro Gazz.

Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay pag-aagawan ng Choco Mucho at Akari ang bronze medal matapos magtabla sa 1-1 sa sa­rili nilang serye.