September 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sabay na nagretiro ang 2 beterano na sina Ryan Reyes ng Talk ‘N Text at Sean Anthony ng NLEX bago ang makasaysayang PBA Season 50 sa Oktubre 5 sa Smart-Araneta Coliseum.
“Saying goodbye to something you love is one of the hardest things to do, which is probably why it has taken me so long to share this. But here it goes: I am officially retiring from basketball,” anang 39-anyos na si Anthony sa social media.
Pwede pa sanang maglaro sa Road Warriors si Anthony sa paparating na golden anniversary ng PBA subalit mas piniling hindi na mag-renew ng kontrata para sa pamilya.
Kagagaling lang ng anak ni Anthony sa cancer at tuluy-tuloy ang gamutan sa US na dapat niyang pagtuunan ng pansin kaysa ang patuloy na paglalaro sa PBA.
Hindi nanalo ng titulo si Anthony subalit nakapagtayo ng solidong karera tampok ang 2019 Defensive Player of the Year, All-Defensive Team, Mythical Second Team at Mythical First Team selections.
Nakapasok sa PBA si Anthony bilang No. 6 pick ng Air21 noong 2010 draft bago naglaro rin sa Powerade, Barako Bull, TNT, Meralco, NorthPort, Phoenix at NLEX.
Nagrehistro siya ng 10.9 points, 6.6 rebounds, 2.4 assists at 1.2 steals sa 363 na laro sa loob ng 15 taon.
Kung announcement sa social media naman ang sa Filipino-Canadian na si Anthony, tahimik namang nagpaalam sa Tropang 5G ang beteranong guwardiya na si Reyes, ayon kay TNT team manager Jojo Lastimosa.
Nasikwat bilang 3rd overall pick ng Sta. Lucia si Reyes noong 2007 tampok ang 1 PBA championship bago malipat sa TNT kung saan siya nanalo pa ng 7 titulo tungo sa kabuuang 8 kampeonato sa 17 taong karera.
Sahog pa rito ang Samboy Lim Sportsmanship Award, 3 All-Star, 4 na Mythical Team selections at Rookie of the Year award.
Nagtala si Reyes ng 6.6 points, 3.5 rebounds, 2.2 assists at 1.2 steals sa 611 na laro.