MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang motorcycle rider nang nagkalasug-lasog matapos masagasaan ng 24-wheeler trailer truck sa bayan ng Bocaue, dito sa lalawigan.
Kinilala ang kaawa-awang biktimang rider sa alyas “Boy”, 33, vendor, residente ng Brgy. Lolomboy, Bocaue.
Sa report ng Bocaue Police, naganap ang insidente bandang 1:58 ng tanghali nitong Mayo 1, sa McArthur Highway, Brgy. Wakas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya at sa CCTV footage, binabagtas ng motorcycle rider lulan ng Yamaha Soul I 125 na nasa outer lane ang northbound direction nang aksidenteng mabunggo ng kasabayang truck na kumanan mula sa inner lane.
Dahil dito, bumagsak ang rider sa kalsada hanggang sa pumailalim at masagasaan ng truck na kanyang agarang ikinamatay.
Nasa kostudiya na ng pulisya ang 31-anyos na truck driver na taga Benito Soliven, Isabela na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.