November 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Wala nang ibang hinanap ang NLEX sa dulo ng laro kundi si Berto.
Nagpaputok si Robert Bolick ng game-high 36 points, tampok ang krusyal na three-point shot sa huling minuto, sa 92-83 pagsagasa ng Road Warriors sa Titan Ultra Giant Risers sa Season 50 PBA Philippine Cup kahapon sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.
May dagdag ding 10 assists, 5 rebounds at 2 steals si Bolick para sa ikalawang dikit na ratsada ng NLEX na nagtabla sa kanila sa Rain or Shine sa liderato sa parehong 6-2 record.
Humakot si JB Bahio ng 20 markers at 12 boards.
Hulog ang Titan Ultra sa 2-6 kasama ang back-to-back losses bagama’t nakahugot kay Calvin Abueva ng 27 points.
“Tsamba talaga iyon. Minsan kapag tinitira ko ganoon talaga,” ani Bolick sa kanyang pabandang triple na nagbigay sa Road Warriors ng 86-83 abante sa huling 1:01 minuto ng fourth period.
Ang fastbreak basket ni Dominick Fajardo mula sa pasa ng 30-anyos na si Bolick ang nag-iwan sa Giant Risers sa 88-83 sa natitirang 43.7 segundo matapos ang mintis na four-point shot ni Joshua Munzon.
Sinelyuhan ni Bolick ang panalo ng NLEX sa kanyang dalawang free throws sa huling 22.6 segundo.
Samantala, magkakaroon ang PBA ng three-week break para sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers.
Lalabanan ng Nationals ni coach Tim Cone ang Guam sa Nobyembre 28 at sa Disyembre 1.
