October 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matamis na bawi ang misyon ng NLEX kontra sa Phoenix sa PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Magpapangbuno ang Road Warriors (1-1) at Fuel Masters (1-1) sa main game sa alas-7:15 ng gabi matapos ang tapatang Terrafirma (1-1 at Converge (1-1) sa alas-5:15 ng hapon.
Magkaibang landas ang tinahak ng NLEX at Phoenix papasok sa duwelo upang makaangat sa mula sa gitgitang team standings.
Nakalasap ng silat na 97-91 kabiguan ang Road Warriors noong nakaraang linggo kontra sa Dyip habang umiskor naman ng higanteng 109-103 panalo ang Fuel Masters kontra sa reigning champion na San Miguel Beer.
Iyon ang balak iganti ng mga bataan ni coach Jong Uichico lalo kung makakasama na nila ulit ang pambatong guard na si Robert Bolick.
Hindi pa nakalaro sa golden anniversary season ng PBA ang Mythical Five member at MVP candidate matapos umuwi sa Amerika upang damayan ang pamilya sa pagpanaw ng kanyang ama.
Kakailanganin ng Road Warriors ang buong puwersa nila tampok din sina Xyrus Torres, JB Bahio, Anthony Semerad, Brandon Ramirez, Jonnel Policarpio, Kevin Alas at Enoch Valdez upang mapigilan ang momentum ng Fuel Masters.
May 11-game losing skid ang Phoenix simula pa noong nakaraang season bago maputol ito kontra sa SMB.