Romero-Pacquiao fight abot-kamay na | Pilipino Star Ngayon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 1, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Malapit nang maikasa ang isang blockbuster fight sa pagitan nina reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Rolly Romero at eight-division world champion Manny Pacquiao.

Abot-kamay na ang Romero-Pacquiao fight base na rin sa mga pa­nayam ni MP Promotions chief Sean Gibbons na nag-uugnay sa posibleng paghaharap ng dalawang boxers.

Sinabi ni Gibbons na isa si Romero sa nangunguna sa listahan ng kampo ni Pacquiao dahil na rin sa magandang rekord nito.

Nais ni Pacquiao na magkaroon ng tunay na bak­bakan kontra sa mga reigning world cham­pions upang mabigyan ng magandang laban ang mga manonood.

Galing si Pacquiao sa pakikipagtuos kay reig­ning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios noong Hulyo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada na nauwi sa majority draw.

Mas lalo pang nagliwanag ang posibilidad na ito dahil mismong si Romero ang nagsabi na malaking karangalan para sa kanya na makaharap ang isang boxing legend na tulad ni Pacquiao. Bukod pa rito, nasa parehong promotions sina Pacquiao at Romero — ang Premier Boxing Champions — dahilan para hindi maging mahirap ang negosasyon para maikasa ito.