November 25, 2025 | 12:00am
MALALANG krisis ang haharapin ng bansa kung matuyo ang Malampaya gas fields sa 2027. Mawawalan nang 40 percent ang kuryente sa Luzon. Magkaka-12-oras na blackout araw-araw. Lagapak ang kabuhayan.
Kaya dapat minahin na agad ang petrolyo sa Sampaguita Fields, Recto Bank. Dekada-1970 pa napatunayang may langis at gas doon.
Nasa loob ito ng 200-milya exclusive economic zone ng Pilipinas. Pero inaangkin ng China dahil sa imbento nitong ten-dash line, dating nine-dash line. Tuwing bumibiyahe doon ang survey ships ng Pilipinas, pinalalayas ng China Coast Guard gunboats.
Maliliit at kulang ang patrol boats ng Philippine Coast Guard. Malimit banggain ng mga higanteng CCG gunboats.
Dapat tularan ng Pilipinas ang ginawa ng Indonesia at Malaysia nu’ng 2021. Ginugulo rin ng China noon ang mga tangka nilang mag-drill ng sari-sariling offshore oil reserves. Tumawag sila ng tulong.
Inimbita ng Malaysia ang Australia at Amerika sa joint naval exercises malapit sa oil sites nito. Habang nag eensayo sila, lumayo ang CCG at China navy. Sinamantala ito ng Malaysia para mag-drill nang mabilisan. Tagumpay. Wala nang magawa ang China ngayon.
Gumaya ang Indonesia. Inimbita ang Amerika mag joint naval exercises sa Natuna Reefs. Habang ginaganap ‘yon, nag-drill ng petrolyo doon ang Indonesia. Muli lumayo ang China warships. Tagumpay rin.
Walang mutual defense treaty sa Amerika ang Malaysia, at ang Indonesia. Meron ang Pilipinas. Security partner din ng Pilipinas ang Australia at Japan.
Makipag-joint naval exercise tayo sa U.S., Australia, at Japan. Gawin natin sa Recto Bank. Sabayan natin ng pag-drill sa Sampaguita Fields.
Ito ang sasalba sa ekonomiya natin. Bilisan na.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)