San Beda pinayuko ang Lyceum


MANILA, Philippines — Mabalasik na nilapa ng San Beda University ang Lyceum of the Philippines University, 25-14, 22-25, 21-25, 25-13, 16-14 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan, kahapon.

Umangat ng bahagya ang puwesto ng Lady Red Spikers dahil sa naitalang panalo, nasa pang-siyam sila tangan ang 2-12 karta.

Nahirang na Best Player of the Game si Janelle Backhar matapos irehistro ang 22 points mula sa 19 attacks, dalawang service aces at isang block para sa San Beda na may tsansa pang pagandahin pa ang kanilang karta bago mamaalam ngayong season.

Nakatuwang ni Bachar sa opensa sina Reyann Canete na kumana ng 17 markers kasama ang 15 kills at dalawang blocks at Angel Mae Habacon na may 15 puntos.

Lumalabo na ang asam ng Lady Pirates na makapaglaro sa semifinals dahil nalasap na nila ang pang-walong talo sa 14 na laro.

Si Joan Doguna ang namuno sa puntusan para sa LPU sa nilistang 15 puntos habang 13 ang inambag ni Hiromi Osada.

Samantala, itinodo pa rin ng Emilio Aguinaldo College ang kanilang lakas kahit wala na silang tsansang umusad sa Final Four.

Nasagad sa limang sets ang labanan bago napayuko ng EAC ang Jose Rizal University, 25-11, 27-25, 17-25, 25-27, 15-11 sa unang laro.