Sexy streaming star na si Jenn Rosa, nanalo ng P1 milyong jackpot


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

Itinanghal bilang pinakabagong Rainbow Rumble master ang sexy streaming star na si Jenn Rosa matapos makuha ang anim na kulay sa DRM machines at maiuwi ang inaasam na P1 milyon jackpot noong Sabado (Agosto 30).

Isang matinding pagsubok ang pinagdaanan ni Jenn sa laro lalo pa at nangunguna ang kapwa streaming star niya na si Arah Alonzo sa elimination round.

Gamit ang kanyang talino at swerte, nakuha niyang sagutin nang tama ang tatlong sunud-sunod na katanungan kaya naman nakarating siyang una sa tri-colored tile. Nakakuha siya ng P61,000.

Lubos naman siyang pinalad sa Rainbow Reveal lalo pa at nakumpleto niya ang anim na kulay sa DRMs na may isang segundo na lang na natitira. Sa kabuuan nakapag-uwi siya ng P1,061,000.

Samantala, sinubukan din noong Linggo (Agosto 31) ng mga Iconic Noontime Dan­cers na sina Mariposa, April “Congratulations” Gustilo, Saicy Aguila, Monette Jimenez, at Luningning ang kanilang galing.

Si Monette ang umabot sa Rainbow Reveal ngunit nakakuha lamang siya ng limang kulay sa loob ng isang minuto. Nanalo siya ng P92,000.

Abangan ang Rainbow Rumble tuwing Sabado at Linggo, 6: 15 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, ALLTV, A2Z, at iWant.