SGA iniligtas ang Thunder sa 2OTs


Pilipino Star Ngayon

October 23, 2025 | 12:00am

OKLAHOMA CITY — Isinalpak ni Shai Gilgeous-Alexander ang dalawang free throws sa huling 2.3 segundo para tulungan ang nagdedepensang Thunder sa 125-124 double overtime win sa bisitang Houston Rockets.

Tinapos ng reigning MVP ang laro na may 35 points para sa Oklahoma City, habang napurnada ang debut ni Kevin Durant sa Houston.

Malamya ang naging first half ni Gilgeous-Alexander matapos malimitahan sa limang puntos bago siya nag-init sa fourth quarter para ibangon ang Thunder mula sa isang 12-point deficit tampok ang kanyang midrange pull-up jumper sa natitirang tatlong segundo para tumabla sa Rockets.

Umiskor si SGA ng 12 points sa dalawang overtime kasama ang limang puntos sa huling minuto ng second extra period para ilusot ang OKC sa Houston.

Swak ang dalawang foul shots ni Gilgeous-Ale­xander mula sa foul ni Durant sa huling 2.3 segundo para sa 125-124 abante ng defending champions kasunod ang mintis na 19-foot jumper ni Houston forward Jabari Smith Jr. sa pagtunog ng final buzzer.

Nagtala si forward/center Chet Holmgren ng 28 points kasama ang 18 sa first half para sa Thunder.

Kumamada si Durant ng 23 points para sa Rockets.

Sa Los Angeles, bumira si Jimmy Butler ng 31 points at may 23 markers si Stephen Curry sa 119-109 panalo ng Golden State Warriors sa Lakers.

Nabalewala ang ibinagsak na 43 points ni Luka Doncic para sa Lakers.