SGA, Thunder diretso sa 8-0


Pilipino Star Ngayon

November 6, 2025 | 12:00am

INGLEWOOD, Calif. — Nagkuwintas si star guard Shai Gilgeous-Alexander ng 30 points at 12 assists sa 126-107 paglunod ng nagdedepensang Oklahoma City Thunder sa Los Angeles Clippers.

Umiskor si Isaiah Joe ng 22 points at may tig-12 mar­kers sina Cason Wallace at Aaron Wiggins para sa franchise record na best start ng Thunder (8-0).

Tumipa si Gilgeous-Alexander, naglaro para sa Clippers (3-4) sa kanyang rookie season bago nai-trade sa OKC, ng 4-of-5 shooting sa three-point range.

Pinamunuan ni James Harden ang Los Angeles mula sa kanyang 25 points kasunod ang 17 markers ni power forward John Collins.

Hindi naglaro sina injured starters Kawhi Leonard (ankle) at Bradley Beal (knee).

Bumangon ang Oklahoma City mula sa isang 13-point deficit sa first half para agawin ang 81-78 ga­ling sa 3-pointer ni Wiggins sa 3:34 minuto sa third quarter.

Isinara ng Thunder ang nasabing yugto hawak ang 94-86 bentahe patungo sa 105-86 pagbaon sa Clippers sa fourth quarter.

Sa iba pang laro, tinakasan ng Chicago Bulls ang Philadelphia 76ers, 113-11; giniba ng Golden State Warriors ang Phoenix Suns, 118-107; at wagi ang Toronto Raptors laban sa Milwaukee Bucks, 128-100.