Sikat na aktres, may nadiskubreng problema sa pera


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

Sobrang sama ng loob ng sikat na aktres sa kanyang kapatid na pinagkatiwalaan niya nang lubos.

Lahat ay ipinaubaya niya sa kanyang kapatid, pati ang finances lalo na ang itinayo nilang negosyo.

Ngayon lang nadiskubre ng aktres na malaki na pala ang nakuhang pera sa kanya ng pinagkatiwalaang kapatid.

Meron silang itinayong negosyo na kung saan milyon ang ipinuhunan doon ng sikat na aktres.

Maganda ang resulta ng negosyo at kumikita ito.

Pero kamakailan lang ay nagkaroon ng auditing, inayos ng kanilang accountant, nagulat si aktres na halos P10K na lang ang natira sa kanilang negosyo.

Nadiskubre na rin daw ni aktres na may mga ilan silang bayarin na ibinigay niya sa kanyang kapatid, pero hindi naman pala ibinayad. Kailangan niya ngayong bayaran ito at baka mapahamak pa siya.

Hindi muna nagpapakita ngayon sa publiko si aktres sa sobrang sama ng loob.

Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Kinakausap nito ang abogado kung aabot ba ito sa demandahan, pero mabigat sa loob na gagawin dahil kapatid ang ihahabla niya.

Hindi niya maubos-maisip na aabot sa ganito, dahil buong-buo ang tiwala niya sa kanyang kapatid.

May nakakarating pang kuwento sa amin kung bakit umabot sa ganito, at nagawa nung kapatid kay sikat na aktres. Pero haka-haka pa lamang ‘yun, at bigyan muna natin ng pagkakataong makapagpaliwanag ‘yung kapatid.

Leksyon ito kay aktres, pero ang masakit sa kanya ay sariling kapamilya pa ang gumawa nito sa kanya. Ito ang sobrang ikinasama raw niya ng loob.

Inumbag na player ng Mindoro, magsasampa ng demanda

Naka-text ko kahapon ang alkalde ng Pola, Oriental Mindoro na si Mayor Ina Alegre kaugnay sa nangyari sa kanyang player na si Jonas Tibayan ng Mindoro Tamaraws.

Si Mayor Ina ang may-ari ng Mindoro Tamaraws na talagang inaalagaan niya.

Sa gitna ng laro na kung saan naglalaban ang Mindoro Tamaraws at Gensan Warriors, biglang sinuntok itong si Tibayan ng player ng GenSan na si Michole Sorela.

Matindi ang tamang tinamo ni Tibayan sa kanyang panga, pisngi at ngipin.

Dumaan ito sa operasyon at nagpapagaling pa ito ngayon.

Kinondena ito ng MPBL o Maharlika Pilipinas Basketball League, at na-ban na si Sorela sa paglalaro.

Ang huling palitan namin ng text ni Mayor Ina, sinabi niyang pursigido silang magsampa ng reklamo laban sa player ng GenSan Warriors.

“Sa aking pagdalaw kagabi, kasama ang aming Atty. Para kuhanan na ng statement si Jonas. Makikitang hirap si Jonas at hindi pa ito makakapagsalita.

“Kung kayo man ang nasa kalagayan ni Jonas Tibayan, mararamdaman n’yo ang hirap physical at mental trauma kung siya makakabalik pa muli sa kanyang paglalaro,” sabi ni Mayor Ina.

Ang ikinalungkot pa ni Mayor Ina, kailangan pang tulungan ni Jonas Tibayan ang kanyang pamilya, dahil may kapatid pa itong nasa hospital.

Kaya hustisya raw para kay Tibayan ang ipinaglalaban niya rito.

Dagdag ni Mayor Ina, “Ang tanging ipinaglalaban namin dito ay ang hustisya para sa aking player at walang ibang kahit anong agenda, para maging isang aral sa lahat lalo na sa mga gustong maging professional basketball player.”

Nung nagkita kami ni Mayor Ina sa Pola, Oriental Mindoro, naibahagi pa niya sa akin na ayaw raw niya talagang mag-manage nitong basketball team dahil wala naman daw siyang hilig sa naturang laro. Pero wala lang daw gustong humawak nitong basketball team ng Mindoro kaya napasubo na lang siya.

“Never ako nanood ng basketball e, dun ako napunta.

“Parang napuwersa ka na lang. Ang maganda lang dun, kahit busy ako, Mayor ako at the same time, babae ako. ‘Yung mga basketball players natin, they respect me that much, kahit babae ako.

“‘Yun ‘yung nakuha ko sa players, ‘yung respect nila, sumusunod sila kahit lalaki sila,” saad ni Mayor Ina Alegre.