SMB sasabit sa 2nd spot vs Titan Ultra


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

November 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sosyo sa segunda puwesto ang hangarin ng kampeon na San Miguel Beer para sa dire-diretso nitong paglipad sa PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Montalban Rizal.

Haharang sa daan ng Beermen (4-2) ang Titan Ultra Giant Risers (2-4) sa main game ng double-header sa alas-7:30 ng gabi matapos ang laban ng mga kulelat na (1-5) na Terrafirma at Phoenix (1-5) upang manatiling nasa kontensyon sa alas-5:15 ng hapon.

SMB ang pinakamainit na koponan ngayon sa PBA hawak ang 4 na sunod na panalo matapos ang maalat na 0-2 simula at wala itong balak na prumeno kahit pa kontra sa bagito ngunit palabang Titan Ultra.

Sa 4-2, katabla ngayon ng SMB sa tersera ang Converge at Magnolia kaya kung mananaig ulit ay aabutan ang NLEX at Rain or Shine sa ikalawang puwesto hawak ang parehong 5-2 kartada sa likod lang ng lider na Talk ‘N Text (5-1).

Kung magwawagi ay mapapalakas din ng mga bataan ni coach Leo Austria ang tsansa sa Top 4 na siya lamang hahawak ng twice-to-beat incentives sa quarterfinals lagpas kalahati na sa 12-team elimination rounds.