Eala, partner pasok sa French Open Round of 16


MANILA, Philippines — Magarbong sinimulan nina Alex Eala at Mexican partner Renata Zarazua ang kampanya nito sa women’s doubles upang umabante sa Round of 16 ng French Open na ginaganap sa Paris, France.

Maganda ang chemistry nina Eala at Zarazua na naitarak ang 7-5, 6-4 panalo laban kina Emily Appleton ng Great Britain at Yvonne Cavalle-Reimers ng Spain sa labang tumagal ng isang oras at kalahati.

“It’s so heartwarming. Of course, it’s always good to come back and compete well after a singles loss, especially after a tight one,” ani Eala.

Sunod na makakasagupa nina Eala at Zarazua sina Olga Danilovic ng Serbia at Anastasia Potapova ng Russia na ginulantang sina American seventh seeds Caroline Dolehide at Desirae Krawczyk, 1-6, 6-4, 7-5.

Parehong galing sina Eala at Zarazúa sa masaklap na kabiguan sa first round ng women’s singles.

Yumuko si Eala kay Colombian Emiliana Arango habang natalo naman si Zarazua kay American Iva Jovic.

Kaya naman ibubuhos na ng dalawa ang nalalabing lakas nito para makasiguro ng tiket sa quarterfinals ng naturang Grand Slam event.

Ito ang unang panalo ni Eala sa isang Grand Slam tournament.