October 8, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mainit na simula sa kanilang title defense ang asinta ng San Miguel kontra sa palabang NLEX sa PBA Season 50 Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Bida sa main game ang Beermen kontra sa Road Warriors ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang pagkilatis ng Meralco Bolts sa Titan Ultra, dating NorthPort, sa alas-5 ng hapon.
Kaggaling lang ng San Miguel sa kampeonato ng Philippine Cup nitong Season 49 kaya walang balak matanggal kaagad sa trono bilang dating ‘five-peat’ All-Filipino champions.
Sa nasabing season diniskaril nila ang hangad na Grand Slam ng Talk ‘N Text matapos nitong pagharian ang Governors’ Cup at Commissioner’s Cup.
Puno ng kumpyansa ang Beermen na maulit ito lalo’t nakaumang sa harapan ang ngayon ay nine-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na inaming asinta nila ngayon ang sariling Grand Slam.
Aakbay sa kanya ang kapwa Mythical Team member na si CJ Perez kasama pa si Finals MVP Jericho Cruz at sina Mo Tautuaa, Marcio Lassiter, Chris Ross, Juami Tiongson at Don Trollano para sa mga bataan ni coach Leo Austria.
Ipaparada rin ng Beermen si No. 9 pick Chris Miller para sa dagdag na puwersa.
Bagama’t paborito ay hindi pa rin magiging madali ang duwelo para sa SMB kontra sa NLEX sa pangunguna ni MVP candidate at Mythical Team member Robert Bolick.
Sumegunda ang Road Warriors sa Beermen sa Season 49 Philippine Cup elimination bago nasilat ng Rain or Shine sa quarterfinals.
Aasa si coach Jong Uichico kina Xyrus Torres, Anthony Semerad, Brandon Ramirez, JB Bahio, Javee Mocon, Enoch Valdez, Robbie Herndon, Jonnel Policarpio at Kevin Alas upang alalayan si Bolick.
Hindi muna makakasama ng NLEX si No. 5 pick Ljay Gonzales na tatapusin ang kontrata sa Quezon Husker sa MPBL.
