Tamang diet para iwas sa diabetes


KUNG kayo ay may diabetes, piliting makontrol ito. Magagawa ito sa pamamagitan ng wastong pagkain. Narito ang tips:

1. Kung ikaw ay may diabetes, ibig sabihin ay 50 percent ng mga selula sa pancreas ay posibleng nasira na. Dahil dito, tumataas ang asukal sa dugo ng lampas sa normal na 105 mg/dl.

2. Umiwas sa matatamis at matataba. Ayon kay Dr. Augusto Litonjua, tinaguriang Ama ng Diabetes Medicine sa Pilipinas, hindi naman lahat ng pagkain ay pinagbabawal sa diabetes. Bawasan ang matatamis at makolesterol na pagkain.

3. Tumanggi sa ice tea, softdrinks at capuccino. Magtubig na lang. Ang pag-inom ng isang basong ice tea bawat araw ay nakapagdaragdag sa timbang ng 1 libra bawat linggo.

4. Mansanas at peras ang pangdiyeta na prutas. Akala nang marami ay “all you can eat” ang mga prutas. Matamis at nakatataba ang mga prutas tulad ng mangga, pineapple, ubas, abukado at lychees. Hinay-hinay lang. Ang mga prutas na puwedeng kainin ay mansanas, peras at saging.

5. One cup ng rice at one cup ng ulam. May mga pasyenteng hindi na kumakain ng kanin. Hindi ito maganda. Sa katagalan ay hihina kayo at mawawalan ng sigla. Kailangan ng katawan ang carbohydrates para sa balanseng diyeta. Ang solusyon ay ang paglimita sa dami ng pagkain.