September 29, 2025 | 12:00am
SINURI ng PhilStar.com ang anim na pro-China vloggers/influencers sa Pilipinas. Lahat sila ay gumagamit ng alyas o screenname. Lahat sila ay maka-Rody at Sara Duterte.
Tatlo ang uri ng pro-Beijing propaganda nila:
l Pananakot, panduduwag. Kesyo raw napakalaking bansa ang China at matatalo ang Pilipinas sa digmaan. Kaya huwag na raw tayong umangal sa pang-aangkin ng China sa ating exclusive economic zone. Huwag na raw kumasa sa pagnanakaw ng China ng ating mga bahura at pagkaing dagat.
Pinalalabas nila na anumang pag-angal ng Pilipinas – maski sa larangan ng diplomasya – ay mauuwi sa giyera. Kinakalimutan nila na nasa panig ng Pilipinas ang batas ng mundo, ang United Nations Convention on the Law of the Sea. Batay sa UNCLOS ay parehong may 200-mile EEZ ang China at Pilipinas, kaya makuntento dapat ang China sa sarili niyang EEZ. Huwag mang-agaw ng EEZ ng iba.
l Kesyo raw minamanipula ng America ang Pilipinas. Dapat daw ay paalisin ng Pilipinas ang mga tropang Amerikano sa mga kampo militar. Dapat daw buwagin na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement. Ito raw ang dahilan kaya napapahamak ang Pilipinas.
Iniiwasan nila ang buod ng isyu – na inaagaw ng China ang ating karagatan, bahura, pagkain. Humihingi tayo ng tulong sa iba’t ibang bansa para palakasin ang depensa at sanayin ang mga sundalo natin.
l Ginugulo nila ang issue. Kesyo raw dapat lutasin ng gobyerno ang karalitaan, mababang kita, mahal na pagkain. Huwag na raw sayangin ang oras sa West Philippine Sea.
Pinalalabas nila na balewala ang usaping sobereniya kumpara sa isyung panloob. ‘Yan din ang ginawang taktika ni Rody Duterte nu’ng Presidente pa. At gagayahin ‘yan ni VP Sara.