Taunang paligsahan sa paghuli ng bulate, ginanap sa United Kingdom!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 3, 2025 | 12:00am

Taun-taon, ang maliit na bayan ng Nantwich sa Cheshire, England, ay ginagawang isang “sport” ang paghuli ng mga bulate sa pamamagitan ng pag-alog, pagyapak, at pagtugtog ng instrument sa lupa.

Sa ika-46 na taunang World Worm Charming Championships, ang mga kalahok ay may 30 minutes upang makakuha nang pinakamaraming bulate mula sa isang itinalagang 3×3 meter plot.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paghuhukay at paggamit ng tubig. Sa halip, ang mga bulate ay dapat mahuli sa pamamagitan ng mga vibration, na ayon sa co-founder ng paligsahan ay gumagana dahil “akala ng mga bulate ay umuulan.”

Iba-iba ang mga ginagamit na pamamaraan: Mayroong tradisyonal na “twanging,” kung saan itinutusok ang garden fork sa lupa at ritmikong nagba-vibrate ito upang ang lupa ay manginig na parang umuulan.

Mas gusto ng iba ang musika, mula sa mga harmonica hanggang sa heavy metal na pinalalabas sa mga portable speakers.

Ang iba naman ay mas gusto ang malakas na pagtapak sa lupa.

Itinatag ni Forster ang paligsahan noong early ‘80s kasama sina Gordon Farr at deputy headteacher John Bailey.

“Nakamamangha, at medyo nakapaninindig-balahibong tingnan, lumalabas talaga sila!” sabi ni Forster, na kilala pa rin bilang Chief Wormer ng Great Britain at ng mundo.

Mula noon, nakita niyang lumaki at dumami ang kalahok sa paligsahan. “Ngayon ay mas maraming dayo mula sa ibang bayan ang gustong sumali,” sabi ni Forster.

Sa paglipas ng mga taon, nakahikayat ito ng mga turista mula sa ibang bansa, mga film crew, at maging ang atensiyon ng American radio hosts.

Noong 2009, ang 9-anyos na si Sophie Smith ang nagtala ng worm-charming world record na may 567 na bulate.