MANILA, Philippines — Siya sana ang nagpanalo sa San Miguel laban sa TNT Tropang 5G sa Game One ng Season 49 Philippine Cup championship series noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Sa pag-dunk ni Moala Tautuaa sa huling 51.6 segundo ng fourth quarter ay nabitawan niya ang bola na lumipad pataas.
Hindi sinasadyang sumabit ang kanyang kamay sa ring na dahilan para gumalaw ang backboard kasunod ang pag-syut ng bola para sana sa 98-97 abante ng Beermen sa Tropang 5G.
Ngunit sa pagrebyu ng mga table officials sa huling 6.2 segundo kasabay ng jump ball nina Jordan Heading ng TNT at Chris Ross ng SMB ay nakitang nagkaroon ang 6-foot-8 na si Tautuaa ng offensive basket interference.
Kaya hindi counted ang dunk ni Tautuaa para sa Beermen na nagresulta sa 99-96 panalo ng Tropang 5G sa series opener ng kanilang best-of-seven championship showdown.
“People touch the rim all the time, especially on a dunk. That’s what happens when you try to dunk the ball, you touch the rim. And I mean, by the time it went in, I was already on the floor,” sabi ng 36-anyos na Fil-Tongan.
Tinukoy naman ni PBA Deputy Commissioner Eric Castro ang isang probisyon sa PBA rulebook
“As you’ve seen in the replay, when Mo dunked in the last 56 seconds, nahila niya ‘yung ring pababa. But the contention of the, of course, the coaching staff, was ‘yung bola was straight and entered the rim,” paliwanag ni Castro sa kanilang naging desisyon.
“Regardless kung may tamaan siyang part ng ring, the fact na nahila niya ‘yung ring pababa is a violation already, considered a basket interference,” dagdag nito.
Wala ring dead ball nang mangyari ang dunk ni Tautuaa kaya hindi ito kaagad narebyu ng mga table officials.
At nangyari lamang ito sa jump ball nina Heading at Ross sa huling 6.2 segundo.
