Tenorio magreretiro na ba? | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Maaaring ang kabiguan ng Barangay Ginebra sa San Miguel sa ‘winner-take-all Game Seven ng kanilang semifinals series ang magiging pinakahuling laro ni LA Tenorio.

Nanghinayang si Te­norio, ipinagdiwang ang kanyang ika-41 kaarawan noong Miyerkules, sa pagkakataong makalaro sa Season 49 Philippine Cup Finals matapos ang 93-100 pagkatalo ng Gin Kings sa Beermen.

Ayon sa eight-time PBA champion point guard, ihahayag niya ang kanyang magiging desisyon sa mga susunod na araw.

“I don’t know what’s gonna happen to me for me the next few weeks, next few months. So we’ll see. Hindi ko pa alam ‘yung plano ko,” ani Tenorio na nauna nang napaglabanan ang kanyang Stage 3 colon cancer noong 2023.

Isinalpak ni Tenorio ang game-winning three-point shot sa huling 3.1 segundo para sa 88-87 pagtakas ng Ginebra sa San Miguel sa Game Six para makahirit ng ‘do-or-die’ Game Seven.

“I think memorable this season is my last game. Game 6. Kasi dun lang ako naglaro the whole season. So definitely memorable season,” sabi ng tubong Nasugbu, Batangas.

Matapos ang kabiguan sa Beermen ay ihahanda ng Gin Kings playmaker ang Gilas Pilipinas Youth bilang head coach sa pagsabak sa FIBA U16 Asia Cup sa Mongolia sa Agosto.

“You will hear it from me definitely in the next few weeks. Nakakalungkot lang, if this is really my last game. Nakakalungkot lang,” sabi ng dating San Beda Red Cub at Ateneo Blue Eagles guard.