MANILA, Philippines — Wala ng paliguy-ligoy sina Zamantha Nolasco at Rhea Mae Densing kaya naman halos hindi sila nahirapang akayin ang defending champion College of Saint Benilde sa panalo kontra Mapua University, 20-25, 25-15, 25-17, 25-18 sa semifinals ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan kahapon.
Kumayod si Nolasco ng 19 points habang umiskor si Densing ng 13 markers mula sa 11 spikes at dalawang service aces para tulungan ang Lady Blazers na sumampa sa championship round.
May hawak ang Taft-based squad na twice-to-beat advantage kaya isang beses lang nilang kailangan talunin ang Lady Cardinals.
Bumangon agad ang Lady Blazers matapos nilang madapa sa unang sets, hinarurot nila ang tatlong natitirang frames para pagbakasyunin na nila ngayong season ang Mapua.
Makakalaban ng Lady Blazers sa finals ang mananalo sa pagitan ng No. 2 Letran at No. 3 Arellano University na nakatakdang magharap bukas.