MANILA, Philippines — Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na paulit-ulit na gumahasa sa 7-anyos na pamangkin, sa Angono, Rizal, iniulat kahapon.
Ayon kay NBI-Cavite North District Office chief Czar Eric Nuqui, ikinasa ang hot pursuit operation matapos dumulog ang ina ng biktima, sa tulong ng isang non-government organization (NGO).
Nabunyag ang krimen kamakailan nang mag-away umano ang biktima, (kasalukuyang 14-anyos) at ina nang pagsabihan niya na dadalhin na lang siya sa bahay ng kaniyang lola. Napasigaw ang bata at nasabing may nagyayari sa kaniya sa bahay ng lola.
Nasundan na ng pagbubunyag na simula noong 7-taong gulang ay ginagahasa siya ng suspek sa mahabang panahon at kinimkim lamang ang problema sa takot na siya ay papatayin.
May baril umano ang suspek na ipinanakot sa bata.
Ayon sa NBI, ang suspek ay kapatid ng ina ng biktima, at nagsimula ang pang-aabuso nang mamatay ang ama ng biktima.
Ang suspek ay napagbilinan umano na alagaan ang pamilyang naulila.
Nang wala na umano sa poder ng suspek ang mag-ina ay palagi pa ring dinadalaw ng tiyuhin ang biktima at inaabuso.
Ipinagharap na ng reklamong paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act).