TNT hindi pa iniisip ang grand slam


MANILA, Philippines — Isang hakbang na lang mula sa makasaysayang Grand Slam ang TNT Tropang 5G, subalit ayaw pa rin nilang pangunahan ang sarili lalo’t higanteng dingding sa katauhan ng San Mi­guel ang nakaharang sa kanilang daan.

Ayon kay head coach Chot Reyes, ang susi pa­ra maisakatuparan ang mis­yon na apat na kopo­nan pa lamang ang na­ka­kagawa sa kasaysa­yan ay ang pagmartsa sa bawat laban na iyon lang ang iniisip – hindi ang maipanalo agad ang buong digmaan.

“I think we will only find out at the end of this series,” ani Reyes sa 2025 PBA Philippine Cup Finals press conference kahapon sa Chardonnay sa Pasig City bago ang Game One bukas sa Smart Araneta Coliseum.

“Lagi namang sinasa­bi na as long as we’re here and give ourselves a chance. Alam namin na­pakalakas ng kalaban na­min but we will just do what we’ve been doing the whole conference and try to give ourselves a chance,” dagdag nito.

Wagi ang TNT sa PBA Season 49 na Governors’ Cup at Commissioners’ Cup na pawang kontra sa Barangay Ginebra bago makatapat ang SMB na kilala bilang hari ng All-Fi­liipino hawak ang anim na kampeonato sa huling 10 taon.

Inaabangan kung ang Beermen ulit ang makaka­purnada kay Reyes at sa Tropang 5G matapos mapigilan ang Grand Slam nila noong 2011.

Subalit para kay Reyes, ibang usapan ngayon tampok ang panibagong pag­ka­kataon upang masundan sina Baby Dalupan (Cris­pa), Tommy Manotoc (Crispa), Norman Black (San Miguel) at Tim Cone (Alaska, San Mig Coffee) bilang natatanging Grand Slam champions sa 50 ta­on ng PBA.

“Believe it or not, hindi ko talaga iniisip ‘yung Grand Slam na iyon. Even up to now, when I come to coach, I coach what’s in front of me. 2011 is not even in my consciousness. This conference is nice to win based on its own merits, not because of any past experiences,” ani Reyes.

Bukod sa Grand Slam, nakataya rin kay Reyes ang tsansang mabasag ang tabla nila ni SMB mentor Leo Austria sa tig-anim na titulo bilang pinakamarami sa kasaysayan ng Philippine Cup.