November 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Makikitagay ulit ang TNT Tropang 5G at Magnolia sa liderato sa krusyal nilang duwelo kontra sa magkaibang karibal sa PBA Season 50 Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Montalban, Rizal.
Haharapin ng Tropang 5G (4-1) ang Terrafirma (1-4) ngayong alas-5:15 ng hapon bago ang bakbakan ng Hotshots (4-1) at San Miguel Beermen (3-2) sa alas-7:15 ng gabi.
Tabla sa segunda puwesto ang TNT at Magnolia sa likod ng lider na Rain or Shine matapos ang 91-80 panalo nito sa Phoenix para sa 5-1 kartada.
Ilang linggo nang magkakadikit sa standings ang tatlong koponan kasama pa ang NLEX (4-2) at Converge (3-2).
Nakataya sa Beermen ang tabla sa hanggang tersera puwesto kung magwawagi sa pangunguna nina nine-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Finals MVP Jericho Cruz, Don Trollano, Marcio Lassiter at Mo Tautuaa.
Nakahanda namang humamon sa kanila ang mga bataan ni LA Tenorio sa pamumuno nina Zavier Lucero, Mark Barroca, Ian Sangalang at Paul Lee.
Ito rin ang hangarin ng TNT na may tatlong sunod na panalo simula nang tumaob kontra sa karibal na Barangay Ginebra, 77-92.
Pinakabago sa biktima ng mga tropa ni coach Chot Reyes ang Meralco, 100-98, sa likod ng game-winner ni Rey Nambatac.
Makakasama ni Nambatac sina Calvin Oftana at Brandon Ganuelas-Rosser para sa misyong mapalakas ang balikwas matapos matalo sa SMB sa finals ng Season 49 Philippine Cup na siyang dumiskaril sa kanilang Grand Slam.
