Top seed sa quarterfinals pakay ng ZUS Coffee


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi magrerelaks ang mainit na ZUS Coffee sa pagsagupa sa Cignal sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Smart Araneta Coliseum.

Target ang No. 1 spot sa quarterfinals, lalabanan ng Thunderbelles ang Super Spikers ngayong ala-1:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Akari Chargers at sibak nang Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon.

Sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi sasagupain ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers ang Choco Mucho Flying Titans.

Bumabandera ang ZUS Coffee sa kanilang 6-0 baraha sa itaas ng PLDT (5-1), Farm Fresh (5-1), Creamline (4-2), Petro Gazz (3-2), Capital1 (3-2), Akari (3-3), Cignal (3-3), Choco Mucho (2-4), Chery Tiggo (2-4), Nxled (0-6) at Galeries Tower (0-6).

Huling biniktima ng Thunderbelles ang Flying Titans, 25-20, 25-22, 24-26, 25-19, habang umiskor ang Super Spikers ng 25-21, 23-25, 25-20, 25-20 panalo sa Chargers.

Muling babanderahan ni American import Anna DeBeer ang ZUS Coffee katuwang sina Chinnie Arroyo, Jovelyn Gonzaga, setter Cloanne Mondoñedo at rookies AC Miner at Riza Nogales.

Isasalang ng Cignal sina Slovak reinforcement Katrin Trebichavska, Vanie Gandler, Erika Santos, Ishie Lalongisip, Jackie Acuña, Rose Doria-Aquino at setter Gel Cayuna.

“Itong panalo namin, napakalaking impact para sa amin. Babaunin namin ito para sa next game namin,” ani Super Spikers coach Shaq delos Santos matapos talunin ang Chargers. “Of course, ZUS, wala pang talo, but naniniwala kasi kami sa team namin na kapag naglaro lang sila nang maayos, kakayanin namin ‘yung game.”