Outing nauwi sa trahedya
MANILA, Philippines — Apat katao ang patay kabilang ang isang batang lalaki habang 29 pa ang sugatan makaraang sumalpok ang kanilang sinasakyang truck na patungo sana sa outing sa isang multicab sa Aleosan, Cotabato nitong Sabado de Gloria.
Sa ulat ng Cotabato Police, nangyari ang malagim na insidente sa kahabaan ng Cotabato-Davao Highway sa Brgy. San Mateo, Aleosan bandang alas-3 ng hapon.
Nadeklarang dead-on-arrival sa ospital ang mga babaeng sina Angela Kamensa, 21-anyos, Lukaya Adil, 43-anyos, Sambabay Andatuan, 50-anyos, at ang 4-anyos na batang lalaking si Arshahid Adzal.
Ang 29 na sugatan ay mabilis namang isinugod sa pagamutan para malapatan ng pangunahing lunas.
Sa imbestigasyon, ang Isuzu Elf truck (GEK 349) na minamaneho ni Tatuan Bolingkig Andatuan, 55-anyos ay patungo sana sa Cotabato City nang maganap ang trahedya
Sa ulat ng mga kawani ng Aleosan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at ng mga officials ng Cotabato Provincial Police Office, biglang kumabig at nawalan ng kontrol sa manibela ang truck driver nang mag-overtake umano sa isang motorsiklo, pero biglang sumulpot ang isang kulay blue na pick-up type multicab mula sa kabilang direksyon ng highway malapit sa crossing sa Brgy. Mingading.
Dahil dito, bumangga ang nasabing truck na puno ng pasahero sa center island at sinalpok ang multicab.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumagilid ang truck bago tuluyang tumilapon at naipit pa ang mga sakay nitong 32 katao, na papunta umano sa outing.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at isinugod sa pagamutan ang mga biktima, pero apat sa kanila ang idineklarang dead-on-arrival sanhi ng matitinding sugat na tinamo sa katawan.