MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) na magdagdag ng ticket booths sa mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) para sa mga estudyante.
Ito’y matapos makatanggap ng sunud-sunod na reklamo tungkol sa mabagal at hindi maayos na validation process para sa mga nag-aavail ng 50% student fare discount sa mga istasyon.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Services, agad na pinakilos ni Tulfo ang kanyang Senate team para magsagawa ng on-site inspection sa mga MRT at LRT stations at para personal na makita ang sitwasyon sa mga istasyon at marinig ang hinaing ng mga estudyanteng mananakay.
Ayon sa ilang estudyante, hinihingan sila ng printed enrollment record sa ticket counter kung hindi nakasaad sa kanilang ID ang kasalukuyang school year.
Kinakailangan din nilang magsulat sa isang form ng kanilang pangalan, paaralan, ID number, pirma, at destinasyong istasyon — na nagpapahaba ng pila at nagdudulot ng abala pati na sa mga regular na pasahero, lalo na tuwing peak hours. Dahil sa anila’y mahabang prosesao, ilang estudyante ang hindi na lang nag-a-avail ng diskuwento.
Hiling ng mga estudyante na hindi lang sana sa mga single journey ticket magkaroon ng discount kung hindi pati sa stored value tickets o beep cards para hindi na nila kailangan pang pumila ng napakahaba araw-araw.
Bunsod nito kaya umapela si Tulfo sa DOTr na magtalaga ng mga ticket booths o linya na eksklusibo para sa mga estudyante — hiwalay sa mga nakalaan para sa senior citizens, PWDs, at regular na pasahero.
Hinimok din ni Tulfo ang DOTr na magplano ng mas maayos na proseso ng pag-verify ng mga estudyante upang hindi na kakailanganin ang mano-manong pagsusulat sa form, at sa halip ay gamitin ang mga digital na alternatibo upang mapabilis ang validation. Inirekomenda rin ni Tulfo na isama na sa mga beep card ang student discount.
“Ang layunin ng student fare discount ay gawing mas abot-kaya at accessible ang transportasyon para sa mga mag-aaral — hindi para magbigay ng dagdag na balakid sa kanila o sa ibang pasahero,” saad ni Tulfo.
