UP hindi bibitaw sa No. 2 spot


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

November 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hangad ng defending champion University of the Philippines na makala­pit sa tuktok ng team stan­dings sa pagsagupa sa Uni­versity of Sto. Tomas sa UAAP Season 88 men’s bas­ketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Solo sa No. 2 spot ang Fighting Maroons tangan ang 6-3 marka matapos ku­mabig ng dalawang sunod na panalo, habang mag-isa sa unahan ang National University Bulldogs na may 8-2 baraha.

Nakapuwesto sa ika­a­pat ang Growling Tigers na may 5-4 record, sadsad sila sa huling dalawang laro.

Maghaharap ang UP at UST ngayong alas-4:30 ng hapon pagkatapos ng laban ng University of the East at Ateneo sa alas-2 ng hapon.

Lugmok ang Fighting Maroons sa Growling Tigers, 67-87, sa una nilang paghaharap sa first round.

Pero alam ni UP head coach Goldwin Montever­de na hindi nila basta ma­kukuha ang panalo sa UST.

“They’re very competitive also as a team. For us naman, we will always focus on ourselves first and what needs to be improved on and definitely, every team naman, kung paano na­man paghandaan, we’ll treat UST the same,” ani Mon­teverde.

Sasandalan ng Fighting Maroons si Harold Alarcon para masikwat ang inaasam na panalo at manati­ling malakas ang tsansa na depensahan ang titulo.