November 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinaka-mainit na team ngayon ang defending champion University of the Philippines, ito’y dahil sa kinadenang six-game winning streak.
Swak na sa final four kasama ang twice-to-beat advantage pero tiyak na mahalaga pa rin ang laban ng Fighting Maroons kontra last year’s runner-up De La Salle sa UAAP Season 88 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum ngayong araw.
Sapagkat nais bumawi ng UP mula sa pagkakadapa nila sa first-round sa La Salle.
Magsisimula ang bakbakan ng UP at La Salle sa alas-4:30 ng hapon pagkatapos ng bangayan sa pagitan ng Far Eastern University at University of the East sa ala-1:30.
Solo sa second spot ng team standings ang UP na may 10-3 karta habang naka-upo sa No. 4 ang Green Archers kalong ang 6-6 card, mag-isa naman sa tuktok ang National University, (11-2).
Nasilo ng Fighting Maroons ang ika-6 sunod na panalo noong Miyerkules laban sa Ateneo de Manila University, 79-75.