October 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sumalo sa No. 3 spot ng team standings ang defending champion University of the Philippines matapos nitong barugin ang Far Eastern University, 69-66 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion, Manila kagabi.
Lumiyab si senior guard Harold Alarcon ng 15 points habang may 14 ang inambag ni Gani Stevens para tulungan ang Fighting Maroons na ikahon ang pang-apat na sunod na panalo at ilista ang 4-2 karta kapareho ng Ateneo de Manila University.
Mahigpit ang naging laban sa buong laro, matapos ang dalawang periods ay lamang ng dalawang puntos ang Fighting Maroons, 38-36.
Hindi rin nagka-iwanan sa second half dahil parehong mahigpit ang depensa at pahirapan pumuntos ang dalawang koponan.
Maraming beses may pagkakataon na maitabla ng Tamaraws ang iskor sa huling 19 segundo ng labanan subalit nagmintis si Jorick Bautista sa dalawang three-point attempts dahilan para tuluyang malasap ng Morayta-based teams ang ikaapat na talo sa limang laro.
Samantala, nagtulungan sa puntusan sina Jake Figueroa at PJ Palacielo upang itaguyod ang National University sa 82-78 panalo kontra last year’s runner-up De La Salle University sa unang laro.
Kumana si Figueroa ng 18 points habang 16 ang tinikada ni Palacielo para sakmalin ang two-game winning streak at hawakan ang tuktok ng team standings tangan ang 5-1 baraha.
Nalasap naman ng Green Archers ang pangatlong talo sa limang laro.
