UST sumalo sa liderato | Pilipino Star Ngayon


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kumapit sa top spot ng team standings ang host school University of Sto. Tomas matapos nilang gilitan ang Far Eastern University, 92-80 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.

Nagkapit-bisig sa bandang dulo ng labanan sina Collins Akowe at Gelo Crisostomo para akbayan ang Growling Tigers na ilista ang 5-1 karta at saluhan sa tuktok ng team standings ang National University.

Naka-ungos ang UST ng dalawang puntos, 82-80, sinimulan ni Akowe ang atake sa tinikadang layup at saka sumalpak ng back-to-back three-pointers si Crisostomo upang palobohin sa 10 ang lamang, 90-80 may 2:03 minuto na lang sa orasan.

Kaya naman naging madali sa Growling Tigers ang paggupo sa Tamaraws na nalasap ang pang-limang talo sa anim na laro.

Pinamunuan ni Kyle Paranada ang opensa para sa UST sa nilistang 19 points habang 14 ang inambag ni Nic Cabanero.

Nagtala naman sina Crisostomo at Akowe ng 14 at 12 points, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, tinuldukan ng last year’s runner-up De La Salle University ang two-game losing streak matapos nilang kaldagin sa overtime game ang University of the East, 111-110 sa unang laro.

Natakasan ng Green Archers ang nagliliyab na opensa ng pambato ng Red Warriors na si Precious Momowei para ilista ang 3-3 karta upang puwestuhan ang fifth spot sa team standings.