August 20, 2025 | 12:00am
Dumalo si Vic Sotto kahapon sa hearing ng kasong isinampa niya laban kay direk Darryl Yap, sa sala ng Muntinlupa City Chief Prosecutor Hon. Aileen Marie S. Gutierrez.
Noon pa man ay sinasabi ni Bossing Vic na pursigido siya sa reklamong ito laban sa kontrobersyal na direktor na kung saan ay pinalabas siyang “rapist” sa teaser ng pelikulang ginawa niya tungkol sa buhay ni Pepsi Paloma.
May ilang artista kaming nakausap na bahagi ng pelikulang ‘yun, hindi raw talaga idiniin doon si Bossing Vic sa kuwento.
Iba ito sa teaser na ipinakita na tila pang-attract lang sa mga manonood.
Ayaw itong palagpasin ni Bossing Vic dahil sa teaser na ‘yun, apektado raw ang asawa niyang si Pauleen Luna at mga anak nito.
Medyo emosyonal nga raw si Bossing Vic sa pagdinig kahapon dahil ibinahagi nitong naapektuhan ang asawa niya at mga anak sa mapanirang teaser na ‘yun na nai-post sa social media.
Ang sabi pa ng Eat Bulaga host, hanggang ngayon ay may mga nagpo-post pa raw ng negatibong komento sa kanyang asawa at anak. Meron pa ngang pagbabanta na gagahasain o sasaktan sila.
Ganun katindi ang epekto sa social media, kaya hindi talaga dapat palagpasin kapag apektado ang taong wala namang kinalaman sa pino-promote na pelikula.
Sa totoo lang, nakakalimutan na ang pelikula ni direk Darryl, kahit hindi masagot ang tanong ng karamihan kung maipalalabas pa ba ang pelikula base sa buhay ng namayapatang si Pepsi Paloma.
Sinamahan ni Pauleen Luna si Bossing Vic sa hearing sa prosecution kahapon.
Archie Alemania, hahatulan na
Naalala tuloy namin ang mga kasong pinag-usapan noong nakaraang taon.
Kinumusta namin ang kasong isinampa ni Sandro Muhlach sa dalawang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
At napag-alaman naming ongoing pa rin sa RTC pagkatapos itong ma-dismiss sa Pasay MTC.
Ang kasong Acts of Lasciviousness na isinampa naman ni Rita Daniela laban kay Archie Alemania ay natapos na diumano ang pagdinig. Hinihintay na lang daw ang promulgation nito na maaaring ibaba na sa October.
Tuloy ang trabaho kay Rita, pero ang talagang naapektuhan dito ay si Archie Alemania.
Meron palang malaking pelikula na dapat ay kasama siya, pero nag-decide ang producer na palitan ito dahil sa nakabinbing kaso sa aktor.
Nag-alala ang mga malalapit nitong kaibigan dahil halos isang taon na siyang hindi nabibigyan ng trabaho, paano pa kaya kung hindi pabor sa kanya ang resulta ng kaso?
Nadia, ‘pinabilis’ ang drug testing sa Senado
Si Atty. Maggie Abraham-Garduque ang nag-represent kay Nadia Montenegro na nag-resign sa tanggapan ni Sen. Robinhood Padilla.
Ayaw raw muna niyang magsalita sa ngayon, pagkatapos na mapag-usapan ang mainit na isyung ito.
Ang ikinasama lang ng loob ng dating aktres, kaagad na siyang nahusgahan pagkatapos ilabas ang kuwentong ito kahit ginawa namang blind item. Kaagad din namang kumalat ang balitang ito at napangalanan na siya.
Mahaba ang sulat ni Nadia na in-address kay Atty. Rudolf Philip B. Jurado sa tanggapan ni Sen. Robin Padilla.
Mahaba ang explanation niya roon sa nangyaring insidente na kung saan inilahad niya na walang nakuhang ebidensya ang Office of the Senate Sergeant at Arms o OSSAA na may hawak siyang marijuana. Ang ipinakita niya ay ang vape na grape flavored ang laman.
Hindi rin daw siya gumamit ng ladies’ comfort room kundi sa PWD (Persons with Disability) na CR siya gumamit.
Nagtataka siya bakit nai-release agad sa media ang Incident Report at nang ibinalita ito nahusgahan na siya.
Naniniwala siyang kung hindi lang agad-agad nai-release ang Incident report sa media, hindi ito mangyayari na nahusgahan na siya pati ang kanyang pamilya.
Kahapon ay nagpa-drug testing na sa Senado na sinimulan ni Sen. Migz Zubiri.