Victolero sibak, Tenorio ipinalit | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Isang eight-time PBA champion point guard, four-time Finals MVP, one-time Best Player of the Confe­rence winner, 2010 Most Improved Player at 2024 Comeback Player of the Year.

Ito ang mga kredensyal na dadalhin ni Lewis Alfred Tenorio bilang bagong head coach ng Magnolia.

Kinumpirma kahapon ng Hotshots ang paghirang sa 41-anyos na playing assistant coach ng Barangay Ginebra bilang kapalit ni Chito Victolero.

Tampok sa huling season ni Tenorio bilang player ang paghatid niya sa Gin Kings sa krusyal na panalo sa Game Six kontra sa nagharing San Miguel Beermen sa Season 49 PBA Philippine Cup semifinals series.

Bukod sa pagiging kanang kamay ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa Ginebra at sa Gilas Pilipinas ay assistant coach din si Tenorio sa  Letran Knights sa NCAA.

Mentor din ang produkto ng San Beda Red Cubs at Ateneo Blue Eagles ng Gilas Pilipinas Youth team na nagkampeon sa FIBA U18 SEABA qualifiers noong Mayo.

Si Tenorio ang No. 4 overall pick ng San Miguel sa 2006 PBA Rookie Draft bago dinala sa Alaska noong 2008 kung saan niya nakasama si Cone hanggang sa Ginebra simula noong 2015.

Sa pagmando ni Tenorio sa Magnolia ay hahawakan niya sina ve­teran guards Mark Barroca at Paul Lee at bigmen Ian Sangalang at Rafi Reavis.

Samantala, nagtapos naman ang siyam na taong pamamahala ng 49-anyos na si Victolero sa Hotshots na naihatid niya sa 2018 Governors Cup cham­pionship.

Matapos ito ay tatlong beses minalas si Victolero na muling mabigyan ng korona ang Magnolia.

Ito ay kontra sa San Miguel noong 2019 Philippine Cup, sa TNT Tropang Giga noong 2020 Philippine Cup at sa Beermen sa 2023-2024 Commissioner’s Cup.

Dahil dito ay maraming Hotshots fans ang humi­ling na sibakin si Victolero sa kanyang puwesto.