Palaisipan ngayon ang isang linggo nang pagkawala ng VMX star na si Karen Lopez. Nakagawa na ng ilang sexy movies si Karen at ngayon ay may ginagawa siyang dinidirek ni Roman Perez Jr.
Ang naalala ko lang sa VMX sexy star na ito ay ang pelikulang Habal na kung saan ay nakapag-promote pa sila sa radio program namin sa DZRH.
Sobrang nabahala na ang mga taga-Viva, pati na ang manager niyang si Lito de Guzman, lalo na ang kanyang pamilya.
Sabi ni Lito nang makausap namin kahapon ay hinintay pa raw niya ang sagot ng mga magulang ni Karen pagkatapos daw nila itong ipina-blotter. Wala raw talaga siyang nakuha pang impormasyon tungkol sa naturang sexy star, dahil hindi na rin ma-contact sa kanyang telepono.
“Hindi ko nga alam kung napano siya, nasaan siya. Kung nandun ba sa boyfriend. Kasi ayaw talaga ng boyfriend niya na magpa-sexy e. ‘Yun ang madalas nilang pinag-awayan e. ‘Yun na nga ang gusto niya makipaghiwalay na siya, kasi gusto talaga mag-artista ng bata e,” pakli ni Lito.
Panay ang shoutout ni Lito de Guzman sa kanyang Facebook account tungkol sa pagkawala ng alaga niya. Pero sa ngayon ay wala pa ring latest na update kung saan na ba talaga si Karen Lopez.
Nakakapangamba ang balitang ito. Sana hindi ito katulad ng kaso ng dating beauty queen na si Catherine Camilon na wala na rin tayong balita kung sino talaga ang sangkot sa pagkawala nito.
Dennis, ‘di pipigilan ang anak ‘pag nag-artista
Mukhang hilig din ng anak ni Dennis Trillo na si Calix ang pag-aartista, dahil sobrang ina-idolize nito ang kanyang ama. Si Calix ang panganay ng aktor kay Carlene Aguilar, at maayos ang kanilang co-parenting.
Nabanggit na sa amin noon ni Carlene na gusto rin daw ni Calix na mag-showbiz, pero hindi pa nila ito gaanong pinagtuunan ng pansin dahil nag-aaral pa ito.
Hiningan namin ng reaksyon si Dennis dito nang makatsikahan namin noong Huwebes sa launching niya bilang bagong brand ambassador ng Belle Dolls ng Beautederm. “Ayokong pigilan ‘yung mga hilig lalo na ‘yung mga anak ko, kung ano ‘yung gusto nilang gawin sa buhay nila, lagi lang ako nakasuporta siyempre,” pakli ni Dennis.
Ngayon ay kasama niya si Calix sa isang endorsement.
Nasa Amerika ngayon si Carlene para sa dadaluhan nitong event. At iniwan muna niya ang kanilang anak kay Dennis dahil may naka-schedule raw silang pictorial. Ni-request din niya na gusto nitong makasama ang anak kanyang kaarawan sa Lunes, May 12.
Ito ang isa ipinagpapasalamat niya sa Panginoon dahil maayos daw ang kanilang samahan, na nakakapag-adjust silang lahat sa ganung klaseng blended family.
Pinupuri pa nga ni Carlene si Jennylyn Mercado dahil tumatayo rin itong ina ni Calix. “Kami po kasi medyo ilang taon na rin kaming magkakasama. Hindi ko naman ikinakaila na sa umpisa siyempre, merong mga challenges. Mahirap pagsamahin… mga hindi magkakadugo ‘di ba, siyempre. Pero pagka nanaig ‘yung pagmamahal, ‘yun talagang binale mo ‘yung kung gaano kaimportante ‘yung isang tao sa pamilya ninyo, magiging ano eh, magiging mas maganda ‘yung pagsasama ninyo, mas magiging magaan ‘pag natanggap n’yo ‘yung isa’t-isa. Magiging maganda na ‘yung flow ng lahat.”
May anak din si Jennylyn kay Patrick Garcia, na si Jazz, at maayos daw ng turingan ng mga bata na parang magkakapatid talaga.
“Kaya siguro napapansin na ng ibang brands ‘yung samahan namin bilang isang pamilya, na kahit hindi kami magkakadugo, siyempre solid pa rin ‘yung samahan namin. ‘Yun ‘yung importante. Kumbaga, hindi nasusubukan sa dugo… sa puso, sa quality nung time na binibigay mo, ‘yun lahat mas nagma-matter,” sabi pa ni Dennis.
Nakakatuwa raw na talagang tumatayong kuya raw sina Calix at Jazz sa kapatid nilang si Dylan.
“Natutuwa ako sa kanilang dalawa sa mga lalaki namin, dahil first time namin nagkaroon ng isang bunso, tapos babae pa. Kumbaga, napaka-thankful ko na meron siyang mga kuya na laging nagbabantay sa kanya, tagasuporta, tagapagtanggol paglaki niya,” saad pa ni Dennis.
Sa ngayon ay wala pa raw silang plano kung susundan nila si Dylan dahil meron pa nga silang ipina-store na sperm ni Dennis dahil balak sana nila noon na magka-baby through surrogacy.
“Sa ngayon focus muna sa aming bunso. Gusto namin talagang tutok kami. Pagkatapos nu’n, bahala na pag-usapan naming mag-asawa kung ano ‘yung next na plano.
“Siyempre malaking responsibilidad na kailangan desisyunan naming parehong mag-asawa,” sabi pa ng Kapuso actor.
