ZUS Coffee itataya ang 4-0 record sa Akari


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 4, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Ang pang-limang sunod na panalo ang titimplahin ng ZUS Coffee sa pagsa­gu­pa sa mapanganib na Aka­ri sa 2025 Pre­mier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence.

Lalabanan ng Thunder­belles ang Chargers nga­yong alas-4 ng hapon ka­su­­nod ang pagtutuos ng Ca­pital1 Solar Spikers at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Bumabandera ang ZUS Coffee sa Pool B ha­wak ang 4-0 record kasunod ang Akari (3-1), nag­de­­depensang Creamline (3-2), Petro Gazz (3-2), Chery Tiggo (1-4) at Gale­ries Tower (0-5).

Pareho namang may 4-1 baraha ang PLDT at Farm Fresh sa Pool A sa ita­­as ng Capital1 (2-2), Cho­co Mucho (2-2), Cignal (2-3) at Nxled (0-5).

Matapos ang mga preliminary round ay haharapin ng top three mula sa bawat pool ang bottom three ng mag­kabilang grupo.

Dadalhin ang kanilang mga kartada, ang Top 8 ang aabante sa knockout quarterfinals.

Muling aasahan ng Thun­­derbelles si American import Anna DeBeer katuwang sina Fiola Ceballos, Kate Santiago, Jovelyn Gon­zaga Riza Nogales, AC Miner at Thea Gagate.

“Obviously, as a team, we want to win this thing. And we’re going to try our best to get there,” sabi ng 24-anyos na si DeBeer.

Itatapat ng Chargers sina reinforcement Annie Mitchem, Ivy Lacsina, Ced Domingo, Eli Soyud, Grethcel Soltones at Chenie Ta­gaod.