October 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Masusubukan ang ZUS Coffee sa pagsagupa sa nagdedepensang Creamline sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Target ang ikatlong sunod na panalo, lalabanan ng Thunderbelles (2-0) ang Cool Smashers (2-1) ngayong alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Magkasunod na tinalo ng ZUS Coffee ang Chery Tiggo, 25-15, 19-25, 25-20, 25-23, at ang Galeries Tower, 25-22, 25-16, 25-16, sa Pool B.
“Siyempre, kapag nandiyan na sila, doon lalabas lahat ng hinahanap,” ani coach Jerry Yee sa pagsagupa nila sa mga top teams. “So hopefully, hindi masyadong marami or hopefully ma-overcome natin sa first meetings.”
Dinomina naman ng Creamline ang Galeries Tower, 25-9, 25-11, 25-15, matapos ang 25-20, 25-21, 17-25, 25-20 pagdaig sa Petro Gazz.
Muling ipaparada ng Thunderbelles sina American import Anne DeBeer, Jovelyn Gonzaga, Riza Nogales, Kate Santiago, Fiola Ceballos at rookie AC Miner.
Itatapat ng Cool Smashers sina American reinforcement Coco Schwan, Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Tots Carlos, Pangs Panaga, Michele Gamit at Kyle Negrito.
Sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon magtutuos ang Chery Tiggo (0-3) at Galeries Tower (0-3) kasunod ang bakbakan ng Akari (2-0) at Petro Gazz (2-1) sa alas-4 ng hapon.