Pilipino Star Ngayon
November 26, 2025 | 12:00am
MEMPHIS, Tenn. — Inilista ni Nikola Jokic ang kanyang ika-10 triple-double sa season sa tinapos na 17 points, 16 assists at 10 rebounds sa 125-115 paggupo ng Denver Nuggets sa Grizzlies.
Kumamada si Jamal Murray ng 29 points at iniskor ni Peyton Watson ang 14 sa kanyang 27 points sa third quarter para sa ikatlong panalo ng Denver (13-4) sa huling apat na laro.
Dinuplika ni Jock Landale ang kanyang career best na 26 points bukod sa 10 rebounds sa panig ng Memphis (6-12) na nakahugot kay Jaylen Wells ng 22 points kasunod ang 18 markers ni Cam Spencer.
Hindi naglaro para sa Nuggets sina starters Christian Braun (left ankle sprain) at Aaron Gordon (right hamstring strain) habang wala si Ja Morant (right calf strain) sa Grizzlies.
Nakalapit ang Memphis sa 108-114 sa huling anim na minuto ng fourth period bago magsalpak si Murray ng dalawang sunod na 3-pointers kasunod ang basket ni Tim Hardaway Jr. para sa 119-108 abante ng Denver sa huling 2:23 minuto.
Sa Indianapolis, nagkadena si star Cade Cunningham ng 24 points, 11 rebounds at 6 assists para banderahan ang Detroit Pistons sa 122-117 paggupo sa Indiana Pacers.
Nagdagdag si Jalen Duren ng 17 points at 12 rebounds at may 19 markers si Caris LeVert.
Ang ika-13 sunod na ratsada ng Pistons (15-2) ang dumuplika sa kanilang franchise record na naitala ng tropa noong 1990 at 2004 kung kailan nila nakopo ang NBA championship.
Sa iba pang laro, pinasabog ng Houston Rockets ang Phoenix Suns, 114-92; sinunog ng Miami Heat ang Dallas Mavericks, 106-102; tinalo ng New York Knicks ang Brooklyn Nets, 113-100; dinaig ng Portland Trail Blazers ang Milwaukee Bucks; at pinabagsak ng Golden State Warriors ang Utah Jazz, 134-117.
