Team Philippines isusuot ang Bacudio-design uniforms


Pilipino Star Ngayon

October 8, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isusuot ng 1,600 atleta ng Philippine delegation ang damit na gawa ni designer Avel Bacudio sa opening ce­remony ng 33rd Southeast Asian Games sa Thailand.

Matutunghayan ito sa parade of athletes sa Disyembre 9 sa Rajamangala National Stadium sa Bangkok.

“Our athletes and officials will be clad in elegant and nationalistic parade uniforms crafted by no less than re­nowned designer Avel Bacudio,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.

Ang mga atleta ay magsusuot ng pulang parade uni­forms, habang gagamitin ng mga officials at coaches ang asul na parehong may nakadisenyong Philippine flag sa kaliwang dibdib at POC logo sa kanan.

Si Bacudio ang paboritong designer ni First Lady Lisa Araneta Marcos at naipakita ang kanyang sports collections sa Malacañang sa sendoff ceremonies para sa national teams.

Pinili ni Bacudio ang telang may mga halo ng piña, bamboo, water lily, abaca at saluyot fibers na ginawa ng mga mananahi mula sa Tawi-Tawi, Zamboanga, Ilocos, Abra, La Union, Aklan at Bacolod.