128 entries sa PBA Rookie Draft


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Lumubo sa kabuuang 128 ang bilang ng mga aspiranteng lalahok sa Season 50 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Setyembre 7 sa Mall of Asia Music Hall sa Pasay City.

Ilan sa mga inaasahang mapipili sa first round ay sina dating Gilas Pilipinas stalwart Geo Chiu, Fil-foreign players Jason Brickman at Dalph Panopio, Juan Gomez De Liaño at dating NCAA MVP Will Gozum.

Ang 6-foot-10 na si Chiu ay miyembro ng champion teams ng Ateneo high school at college sa UAAP at naglaro para sa Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup qualifiers at Olympic Qualifying Tournament noong 2021, sa FIBA Asia Cup noong 2022 at sa FIBA World Cup Asian qualifiers noong 2023.

Nakapagsumite rin ng kanilang aplikasyon para sa PBA Rookie Draft sina Yukien Andrada at John Bryan Sajonia ng San Beda, Kobe Monje ng Letran, Shawn Umali at Tony Ynot ng St. Benilde, Ximone Sandagon ng Far Eastern University at Qatar-based guard Jacey Cruz.

Nasa listahan din sina dating Batang Gilas pla­yer Harvey Pagsanjan ng Emilio Aguinaldo College, dating NCAA junior champion Macoy Marcos ng St. Benilde, Dawn Ochea ng Adamson, Fil-Canadian Jack Cruz-Dumont, Royce Mantua ng UST, Lorenz Capulong ng Arellano at Jonas Tibayan ng National University.

Sasalang ang 128 aplikante sa PBA Draft Combine sa Setyembre 4 at 5 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Pagkatapos nito ay ila­labas ng PBA ang official list ng mga eligible draftees sa Setyembre 6.

Ang Terrafirma ang may hawak ng No. 1 overall pick kasunod ang Phoenix (No. 2), Blackwater (No. 3), NorthPort (No. 4), NLEX (No. 5), Magnolia (No. 6), Meralco (No. 7), Converge (No. 8), San Miguel (No. 9), Rain or Shine (No. 10), Barangay Ginebra (No. 11) at Rain or Shine (No. 12).