4 players nadagdag sa Gilas Pool


MANILA, Philippines — Nagdagdag si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ng apat na mahuhusay na players para sa 2025 FIBA Asia Cup na idaraos sa Agosto 5 hanggang 17 sa Jeddah, Saudi Arabia.

Pasok sa Gilas Pilipinas pool sina Troy Rosario at RJ Abarrientos ng Barangay Ginebra, Zavier Lucero ng Magnolia, at dating Gilas Pilipinas standout Rhenz Abando.

Nagsimula na ang trai­ning camp ng Gilas noong Lunes kung saan dumalo sa ensayo ang ilang mi­yembro ng pool sa Upper Deck sa Ortigas, Pasig City.

Kasama sa mga nasilayan sina Rosario at Abarrientos na agad na tumugon sa tawag ni Cone na coach din nila sa Gin Kings

Dumating din sina Ja­peth Aguilar, Scottie Thompson at Jamie Malon­zo na mga miyembro rin ng Barangay Ginebra na naglaro pa sa Game 6 ng PBA Philippine Cup semis laban sa San Miguel Beer.

Nag-ensayo rin sa Day 1 sina Calvin Oftana ng Talk ’N Text, Chris Newsome ng Meralco at CJ Perez ng San Miguel Beer gayundin sina Japan B.League veteran Dwight Ramos at Carl Tamayo ng Changwon LG Sakers na nagkampeon sa Korean Basketball League.

Hindi pa nakapunta si Lucero na kasalukuyan pang nasa Amerika para sa isang maiksing bakasyon matapos masibak ang Hotshots sa quarterfinals ng Philippine Cup.

Kasalukuyan namang naghahanda si Abando kasama ang Strong Group Athletics para sa 44th William Jones Cup na gaganapin sa Taipei, Taiwan.

Nakatakdang makaha­rap ng Gilas ang Macau Black Bears sa Hulyo 28 sa Big Dome.