October 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang Candon City, Ilocos Sur ang magiging kauna-unahang regional training center para sa archery sa Northern Luzon.
Ito ay matapos lagdaan nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pató’ Gregorio at Candon City Mayor Eric D. Singson ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagtatayo ng sports hub.
“One day in the future, an Olympian will come from Candon,” wika ni Gregorio kasama si World Archery Philippines (WAP) president Bing Reaport.
Sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa archery sa Olympics ay siyam na Pinoy pa lamang ang nakakasali kung saan ang huli ay sina Mark Javier at Rachelle Cabral na pumana sa individual events noong 2012 edition sa London.
Kapwa bigo sina Javier at Cabral na makapag-uwi ng medalya.
“We are opening doors for the archers to train in the conducive environment and give them a fighting chance against the world’s best,” sabi ni Singson.
Bukod sa paglulunsad ng strategic at comprehensive program ay nagbigay dina sina Gregorio at Reaport ng 25 basic archery equipment sa Candon City.
Ayon kay Gregorio, plano rin nilang magtayo ng regional training centers sa Laoag City sa Ilocos Norte, Clark sa Pampanga, Tayabas sa Quezon Province, Ormoc City sa Leyte, Bacolod City sa Negros Occidental at mga urbanized areas sa Mindanao kagaya ng Bukidnon, Zamboanga City at General Santos City.