5 teams kakasa sa SEA Volleyball League


MANILA, Philippines — Magbabakbakan ang limang teams para sa korona sa Southeast Asian Men’s V.League na papalo ngayong araw sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.

Galing ang Pilipinas sa simpleng selebrasyon ng World Volleyball Day sa SM Mall of Asia sa Pasay City.

Dumating sa programa ang mga miyembro ng Alas Pilipinas Women, official Fans Club members, at officials at members ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).

Nanguna na sina PNVF vice president Ricky Palou at secretary-general Don Caringal at ang Local Organizing Committee para sa FIVB Volleyball Men’s World Championship Phi­lippines 2025.

“It was an amazing ce­lebration by our very own PNVF and the LOC for the world championship and this impressed the FIVB leadership,” ani PNVF Ramon “Tats” Suzara na nasa Surabaya para tugunan ang kanyang tungkulin bilang president ng Asian Volleyball Confederation.

Matapos nito, sesentro na ang atensiyon ng Alas Pilipinas sa SEA Men’s V.League sa Candon City.

Hahataw ang Indonesia, Vietnam, Thailand at Cambodia na magsisilbing tinik sa kampanya ng Alas.

Papalo para sa Alas si Fil-Am Steve Rotter kasama sina Kim Malabunga, Owa Retamar, Peng Taguibolos, Louie Ramirez at Buds Buddin.

Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ng Alas para sa world championship.

Nakalaan ang ranking points sa torneo kasama ang kabuuang $55,000 (P3.15-M ) premyo tam­pok ang $13,000 o P743,000 para sa magkakampeon.

Ang runner-up ay mag­kakamit ng $12,000 (P686,000) habang ang bronze medalists ay tatanggap ng $11,000.

May premyo rin ang fourth placers na $10,000 at ang fifth placers na mag uuwi ng $9,000.

Ipaparada ng Thailand sina Amornthep Khonhan, Anurak Phanram, Kissada Nilsawai at Chaiwat T­hungkham na naglaro sa AVC Nations Cup.