August 11, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dalawang tansong medalya ang iuuwi ng mga Pinay spikers mula sa kanilang kampanya sa katatapos lamang na 2025 SEA V.League Legs 1 at 2.
Pinadapa ng Alas Pilipinas ang Indonesia, 25-17, 25-17, 28-26, para angkinin ang bronze medal sa Leg 2 kahapon sa Ninh Bình Gymnasium sa Vietnam.
Tinalo rin ng mga Pinay spikers ang mga Indonesians, 25-20, 25-20, 16-25, 25-13, para sa tanso sa Leg 1 na idinaos sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Ito ang ikaanim na third-place finish ng Alas Pilipinas sa annual regional tournament na inilunsad noong 2019 bilang dating Asian Grand Prix.
Bumandera sina Angel Canino, Eya Laure, Bela Belen, Dell Palomata at team captain Jia De Guzman para sa Nationals na isinara ang four-nation event sa 2-4 record kasama ang tig-dalawang kabiguan sa Thailand, ang Leg 1 champion, at Vietnam.
Kasalukuyan pang naglalaban ang mga Thais at Vietnamese para sa gold medal kagabi habang isinusulat ito.
Pinaghahandaan ng Alas Pilipinas ang 33th Southeast Asian Games na nakatakda sa Disyembre sa Thailand.
