August 11, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Panahon na para magkaroon ng sariling Olympic House ang Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino dahil maningning na ang Pilipinas tangan ang tatlong ginto, limang pilak at 10 tansong medalya nito sa Olympic Games.
“It’s about time,” ani Tolentino.
Naging panauhin si Tolentino sa ground-breaking ceremony sa Olympic House ng Malaysia na itatayo sa Kuala Lumpur Sports City.
“I would confess that I wish we have the same here in the Philippines,” ani Tolentino.
Kasama ni Tolentino sa programa sina Malaysian Prime Minister Datuk Seri Anwar Ibrahim.
Walang Olympic House ang Pilipinas sapul nang binuo noong 1911 ang POC na may dating pangalan na Philippine Amateur Athletic Federation.
“That’s a long time and we just celebrated the Philippines’ 100th year participation in Paris 2024 where we made a breakthrough of all breakthroughs with Caloy’s [Carlos Yulo] two gold medals in gymnastics,” ani Tolentino.
Sa ilalim ng pamumuno ni Tolentino nasungkit ng Pilipinas ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas noong Tokyo Olympics sa ngalan ni weightlifter Hidilyn Diaz.
Sinundan ito ng dalawang ginto ni Carlos Yulo sa gymnastics noong 2024 Paris Olympics.
“Before that in 2021 in Tokyo [2020], Hidilyn Diaz made is all cry for pride and joy with our first Olympic gold medal,” ani Tolentino.
Sa kabilang banda, wala pang ginto ang Malaysia sa Olympics. Mayroon lamang itong walong pilak at pitong tanso sapul nang sumabak ito sa Olympics noong 1956 edisyon sa Melbourne, Australia.
Ilan sa mga plano ng POC para maging Olympic House ang Cultural Center of the Philippines Complex, Clark sa Pampanga, New Clark City sa Capas at ang Tagaytay City na may UCI-standard velodrome, kaliwa’t kanang hotels at ang magandang view ng Taal Lake.
