August 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matapos ang laban ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia, tumulak na agad sa South Korea si Kevin Quiambao para naman sa Korean Basketball League.
Nagpost si Quiambao na nasa South Korea na ito upang makasama ang kanyang team na Goyang Sono Skygunners sa paghahanda nito para sa nalalapit na pagbubukas ng panibagong season ng KBL.
Kasama si Quiambao sa ratsada ng Gilas Pilipinas na nakaabot sa quarterfinals ng FIBA Asia Cup.
Naputol ang kampanya ng Pinoy cagers nang lumasap ito ng kabiguan sa kamay ng defending champion Australia.
Maganda ang inilaro ni Quiambao sa FIBA Asia Cup.
Marami itong natutunan sa kanyang naging experience sa naturang torneo na madadala nito sa kanyang paglalaro sa South Korea at sa susunod na laban ng Gilas Pilipinas.
Partikular na tinukoy nito ang FIBA World Cup Qualifiers na magsisimula sa Nobyembre.
“It’s a great learning experience for us, and we will carry this over to the next one, which is November,” ani Quiambao.
Inaasahang makakasama ni Quiambao sa Gilas si Quentin Millora-Brown na nakalaro nito sa UAAP Finals.
Naglaro ng kanyang final year si Quiambao para sa De La Salle University habang player naman ng University of the Philippines si Millora-Brown kung saan nanaig sa UAAP finals ang Fighting Maroons.