Gumabao humataw sa Creamline | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pumalo si Michele Gumabao ng 22 points mula sa 18 attacks at apat na blocks para igiya ang nagdedepensang Creamline sa 22-25, 25-17, 22-25, 25-11, 15-8 pagdaig sa Cignal HD sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Nagtala rin ang 32-an­yos na si Gumabao ng 15 excellent digs para sa Cool Smashers na tinalo ang HD Spikers, 25-17, 29-27, 25-17, para sa bronze medal ng nakaraang 2025 PVL on Tour.

Umiskor si Jema Ga­lanza ng 18 markers ha­bang may 11 points si Alyssa Valdez at tumipa ng 32 excellent sets si Kyle Negrito.

“Ibang-iba na iyong mga games, talagang magkakakilala na. Sa tingin ko iyong naging advantage namin is iyong experience din ng team dito sa Invitational,” ani Creamline coach Sherwin Meneses.

Bumira si Heather Guino-o ng 21 points sa panig ng Cignal kasunod ang 11 markers ni PVL on Tour MVP Erika Santos.

Sa likod nina Guino-o at Santos ay kinuha ng Cignal ang 2-1 abante sa laro bago nakatabla ang Creamline sa fourth set, 25-11.

“Hindi namin dapat isi­pin kung angat man kami or nasa ibaba man kami. We just really have to fight, we have to keep on going,” sabi ni Gumabao sa ginawa nilang pagbangon mula sa 1-2 agwat sa laro.

Matapos maagaw ng Cignal ang 3-2 abante sa fifth frame ay nagtuwang sina Gumabao, Galanza, Valdez at Pangs Panaga para sa 13-7 lead ng Creamline.

Ang crosscourt attack ng 28-anyos na si Galanza ang sumelyo sa kanilang five-set win.

Pupuntiryahin ng 10-time champions ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa PVL on Tour silver medalist Chery Tiggo bukas sa Pasig City venue.