Eala nasa New York na para sa US Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Handang-handa na si Alex Eala na maki­pagsabayan sa matitikas na world-class tennis players sa mundo sa 2025 US Open na papalo sa Agosto 24 sa Queens, New York.

Dumating na sa New York si Eala para sa kanyang debut sa main draw ng prestihiyosong Grand Slam event.

Nagpost sa kanyang mga social media accounts si Eala kung saan excited na itong maglaro sa US Open.

“New York, New York,” ani Eala sa kanyang caption sa Instagram post.

Papasok si Eala sa US Open hawak ang No. 70 posisyon sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings.

Ngunit inaasahang bababa pa ito sa bagong listahan ng WTA dahil kasalukuyan itong nasa No. 73 sa WTA live rankings.

Malaking dahilan ng pagbaba nito sa rankings ang kanyang withdrawal sa katatapos na Cincinnati Open sa Amerika at sa A­bierto GNP Seguros Monterrey Open sa Mexico.

Nagpasya si Eala na mag-withdraw matapos magtamo ng shoulder injury sa kanyang first-round match sa National Bank Open sa Montreal, Canada kamakailan.

Dahil dito, nagpahinga muna si Eala para tuluyang gumaling ang kanyang injury.

Inaasahang ilalabas na ng US Open ang draw upang madetermina kung sino ang unang makakasagupa ni Eala.